Damuhan
Ni: John Mark C. Sinoy
Isang araw noon sa probinsya ay
naglalaro kaming magkaibigan na si Elsa. Dati pa kaming naglalaro sa ilalim ng
init ng araw at sa ilalim ng mga ulap, doon sa damuhan. Ako nga pala sa Marco
ang panganay na anak. Aling Nena ang tawag na pangalan ng aking ina ng aming
mga kapitbahay, ang ulirang ina na siya lamang ang nagtataguyod sa aming
pamilya. Ilang taon ng nakalipas ay nakapagtapos na rin ako ng sekondarya.
Samantala, ang aking kapatid na si Gina, sampung taong gulang ay nasa ikaapat
na baiting sa elementarya at si Tina walong taong gulang ay nasa ikalawang taon
din sa elementarya. Pasko iyon na may handaan sa bahay, hindi naman masyadong
maraming handa, sapagkat masayang-masaya kami habang kumakain. Nagkukuwentuhan,
nagkakantahan pagkatapos kumain. Pabiro ko pang kanta ay “Ibigay mo na ang
aming Christmas bonus” tapos nagtatawanan lahat kami. Maya’t maya may binigay
na regalo si Inay sa akin. Sobrang galak ang nararamdaman ko dahil hindi ko
inakala na mabigyan pala ako ng regalo. Limang pasko na kasing nagdaan ang
huling beses akong nakatanggap ng regalo sa kanya. Hindi rin ako nagpapahuli,
binigyan ko rin siya ng regalo, pati na rin ang mga kapatid ko. Alas dos na
iyon ng madaling araw patulog na sana ako na nagkwento si Inay habang ang aking
mga kapatid ay tulog na.
“Maligayang
pasko Inay, maraming salamat sa pagpapalaki sa amin”, sabi ko kay Inay.
Hindi ko namalayan na ang dami na
niya palang nakuwento. Nagkwento pa siya tungkol kay Itay, sa kanyang kabataan
at nagpapayo pa siya. Malaki ang pasasalamat ko kay Inay dahil siya lamang ang
nagpapalaki sa amin, nag-aaruga at nagpapa-aral. Hindi ko pa nalimutan ang mga
payo niya noon. Siya
ang nagsabi sa amin na hindi masama ang mangarap at walang masama kung
magkaroon ka ng malaking pangarap lalo pa kung para ito sa pamilya. Sabi ko pa
kay Inay, bibilihan ko siya ng malaking bahay kapag yumaman ako, inasahan kong
tatawanan niya ako ngunit niyakap pa ako ni Inay. Hindi alam ni Inay na sa
pangyayaring 'yon nabuo ang pangarap ko, pangarap na mabigyan siya ng
maginhawang buhay kapalit ng lahat ng isinakripisyo niya para sa akin, para sa
aming magkakapatid, para sa amin na kaniyang pamilya. Sabi ko sa sarili ko,
maaaring hindi nga ako yumaman pagdating ng araw ngunit gagawin ko ang lahat
upang maisakatuparan ang mga binitawang kong salita kay Inay.
Nagdaan
na rin ang bagong taon at ilang linggong nakalipas ay pumunta na naman ako sa
damuhan, ang paborito naming tambayan kasama si Elsa. Pumunta ako roon dahil
magpapaalam sa kanya.
“Luluwas ako sa Maynila. Hindi na
kasi ako kayang pag-aralin ni Inay sa kolehiyo kaya maghahanap na muna ako ng
trabaho doon para may katuwang si Inay sa pagpapa-aral sa aking mga kapatid.”
Malungkot kong sabi kay Elsa.
Nakita ko sa kanyang mata ang lungkot at
nirerespeto rin naman niya ang desisyon ko.
Nagpunta
ako sa Maynila at nakapasok agad sa trabaho sa isang coffee shop. Nagpadala rin
ako ng pera sa aking Inay buwan-buwan. Ilang buwang nakalipas ay nakatanggap
ako ng liham galing kay Gina na nagsasabing wala na si Inay. Noong natanggap ko
ang liham ay ginusto kong makabalik agad sa aming tahanan, gusto kong malaman
kung anong nangyari, wala namang kaming alam na sakit ni Inay, gusto ko siyang
makita, gusto kong maniwalang hindi totoo ang mga sinabi ni Gina sa kaniyang
liham. Gusto kong umalis na ng trabaho at agad-agad bumalik sa amin, ngunit
hindi raw maaari dahil mayroon akong pinirmahang kontrata. "Nawalan po ako
ng magulang" paulit-ulit kong pakiusap sa kanila ngunit nagsasalita lamang
ako sa batong walang nadarama kaya napilitan pa rin akong manatili dito ngunit
matapos ang ilang linggo ay tatanggalin din pala nila ako dahil wala raw ang
isip ko sa aking trabaho. Tapos na ang lahat, naihatid na sa kaniyang huling
hantungan si Inay, nag-iba na ang mga pangarap ko sa kaniya, nawalan na rin ako
ng trabaho at lahat-lahat. Gusto ko na ring planuhin kung saan ba ang aking
magiging huling hantungan, ngunit naalala ko ang sabi ni Inay noong iniwan kami
ni Itay, na ano mang problema ang dumating sa atin, kailangang magpatuloy ang
buhay.
"Huy! Ano na naman bang iniisip mo at tulala ka
d'yan!?" panggugulat sa akin ni JV, kaibigang kasama ko sa tinululuyan
kong boarding house sa Maynila.
Kung malaya ko lang sana na masasabi sa kaniya at hindi ako
magiging katawa-tawa, sasabihin kong ang isip ko'y nasa aming tahanan, ang isip
ko'y nasa probinsya. Nasa taimtim na agos ng ilog, nasa huni ng ibon sa umaga.
Nasa mga araw na inakyat namin ni Elsa ang puno ng santol, atis, at mangga.
Nasa mga araw na tinulungan ko si Inay na pitasin ang bunga ng mga pananim niya.
Nasa mga araw na nabasag namin ni Gina ang ilang itlog sa limliman. Nasa mga
araw na naglalakad kaming lahat papunta sa eskwelahan, nasa aming mga biruan at
tawanan. Nasa mga araw na kasama ko si Elsa. Nasa bawat araw na unti-unti akong
nahuhulog sa kanya. Nasa gabing ginawan ko siya ng duyan sa puno ng mangga,
nasa mga gabing ginawan ko siya ng liham. Nasa gabing sinuyo ko siya, at sa
gabing tinanggap niya ako't kami'y naging magkasintahan. Sa mga gabing palagi
kaming magkasama. Sa mga araw na nagkakaroon kami ng problema. Nasa mga araw na
nagsimula kaming maging mahigpit sa isa't-isa. Nasa araw na sinabi ko sa aking
sariling hindi ako gagawa ng kahit anong maaaring makasira sa aming
pagmamahalan. Nasa gabing humiga kami sa damuhan, sa ilalim ng mga tala at
buwan kung saan namin tinanaw ang kapalaran at kung saan ko rin siya
pinangakuang habangbuhay ko siyang mamahalin at sasamahan. Saan man at kailan
pa man.
Hindi
ako nakasagot kay JV, ang nagawa ko na lang ay hawiin ang kurtinang tumatakip
sa bintana.
"Anong
plano mo?" Dagdag pang tanong niya.
Sa totoo lang ay hindi ko alam ang isasagot o
kung anong maaaring isagot sa kaniya, ang araw na iyon kasi ay puno ng pag-iisip
at pag-aalala para sa hinaharap.
“Maghahanap
na muna ako ng trabaho dahil paubos na ang aking perang naipon. Sa susunod na
buwan ko nalang padadalhan ng pera ang aking mga kapatid kapag nakahanap na ako
ng trabaho.” Sabi ko kay JV.
“Sino
na ang kasama ng mga kapatid mo?”
Pabilis niyang tanong sa akin.
“Doon
na muna kasi tumuloy ang kapatid ni Inay sa bahay, dumating siya noong libing
ni Inay at siya na muna ang kasama sa mga kapatid ko.” Sagot ko naman.
Naputol
na ang usapan namin dahil agad-agad na akong umalis. Maya’t maya ay pumunta na
rin ako sa malaking tindahan, doon sa kalyeng sunod sa tinirhan ko para
mag-apply ng trabaho. Nalaman ko kasing naghahanap sila ng security guard. Baka
sakaling matanggap ako. Sa hindi inaasahang balita ay nakakuha na pala sila ng
security guard. Naglakad na rin at hindi ko alam kong kung saan ako dalhin ng
mga paa ko.
“Puro
nalang ba kamalasan ang mangyayari sa buhay ko ngayon?” Tanong ko sa aking
sarili.
Umuwi
akong walang laman ang sikmura, lungkot na lungkot at hindi ko na alam kung ano
ang aking gagawin. Walang tigil ang paghahanap ko ng trabaho sa loob ng isang
linggo ngunit hindi pa rin ako nakahanap ng trabaho. Ubos na ang ipon ko at
wala na rin akong pambayad sa boarding house sa susunod na buwan.
Sinubukan
kong manghiram ng pera kay JVdahil waiter naman siya sa isang Bar. Doon na rin ako nabuhayan ng loob nang pinahiram
niya ako ng limang libong piso. Nabayaran ko rin ang boarding house at
nakapagpadala na rin ako ng pera sa aking mga kapatid.
“Salamat
JV, huwag kang mag-alala at babayaran ko ito sa susunod na buwan.” Sabi ko sa
kanya.
“Huwag
ka munang maniguradong mabayaran mo yan.” Patawang pabiro ni JV.
Paulit-ulit
akong naghanap ng trabaho at kung ano-ano na ang naisip ngunit hindi pa rin ako
nakahanap ng trabaho. Halos paubos na rin ang nautang kong pera.
“Ano
na kaya ang gagawin ko?” Tanong ko sa sarili.
Dalawang
beses na nga lang akong kumain sa isang araw at minsan nga ay tiniis ko ang
isang beses kumain sa isang araw, sa umaga at sa tanghali ay isa-isang biscuit
lang, sa gabi na ako kumain para lang makatipid. Hindi ako nakapag-aral sa
kolehiyo kaya naisip kong walang tatanggap sa akin. Palagi kong iniisip ang
aking mga kapatid sa probinsya.
“Ano na kaya ang nagyari sa kanila?”
Parang
nawalan na naman ako ng pag-asa.
“Ilang taon na rin ako dito sa Maynila at ano pa nga ba ang dahilan ng pananatili ko? Bakit
narito pa rin ako?” Tanong ko sa sarili habang nararamdaman kong lumutulo ang
mga luha.
Hindi
ko namalayan na dumating na pala si JV. Nakita niya akong malungkot at pinapawi
ang aking mga luha. Alam kong narinig niya ang aking sinasabi sa sarili.
Walang
kung ano-ano ay sinabi niyang “Huwag ka nang malungkot diyan.” Sabi ni JV sa
akin. “Saktong-sakto ay naghahanap ng isang waiter sa Bar. Inirikomenda na rin
kita sa aking boss. Magsimula ka raw bukas ng gabi.” Masayang balitang sinabi
ni JV.
Hindi
ko alam kong paano magpapasalamat sa kanya. Masayang-masaya ako at parang
napaiyak na rin ako sa sobrang kagalakan. Sinubukan ko kasi noong magwaiter
doon sa Bar ngunit hindi pa naman sila nangangailangan ng karagdagang waiter kaya
lubos akong nagpapasalamat sa kanya.
Isang
linggo na rin akong nagtatrabaho bilang waiter, wala pang suweldo at nagtitipid
parin sa perang inutang ko kay JV. Naninibago pa ang katawan ko dahil tulog sa
umaga at trabaho sa gabi. Alas siyete magsimula ang trabaho at tuwing alas
kuwatro y medja matapos. Nakaya ko rin ang ganitong trabaho. Hanggang umabot
ako ng taltong lingo at sa hindi inaasahan ay may natanggap akong liham galing
kay Gina, na ospital ang bunso naming kapatid, kailangan ng pera para pambayad
sa ospital at panggastos sa pambili ng gamot. Nadengue raw si Tina. Wala pa naman akong pera dahil sa
susunod na lingo pa ang una kung suweldo. Kaya nanghiram na nanam ako kay JV.
Hindi naman siya nagdadalawang-isip na magpahiram ng pera. Sinabi pa niyang
bata pa raw siya noon ay namatay ang kanyang kapatid dahil sa dengue. Kaya,
agad-agad niyang iniabot ang pera sa aking mga kamay. Dali-dali ko na ring
pinadala ang pera sa aking kapatid.
Sa
awa ng Panginoon ay nakalabas din sa ospital ang kapatid ko. Si Elsa ang
nagbantay sa kanya tuwing may pasok si Gina. Masayang-masaya ako nang nalaman
kong nagmamalasakit si Elsa sa aking mga kapatid. Hapon na iyon nang nakahiga
pa ako sa aking kama nang laging iniisip si Elsa. Masuwerte ako sa kanya, kahit
wala kaming komunikasyon ngayon sa isa’t isa. Miss na miss ko na siya.
Maya’t
maya ay tinawag ako ni JV upang sabay kaming pumasok sa trabaho. Hindi ko
namalayan ang oras at gabi na pala. Kaya pumasok na rin kami sa trabaho.
Ngayong araw na pala ang suweldo namin kaya masayang-masaya ako. Una ko tong
suweldo at nakapagbibigay-gana sa pagtatrabaho noong natanggap ko na ang pera.
Binayaran ko na agad-agad ang utang ko kay JV. May sobra pa naman akong pera at
pinadala ko yung kalahati sa aking mga kapatid. Inuna ko muna ang kinabukasan
ng mga kapatid ko at hindi na nga ako bumili ng mga gamit para sa akin.
Nagtagal
din ako sa trabaho at nakaipon din naman. Umabot din ako ng sampung buwan
bilang waiter. Matagal na ring nagtatrabaho si JV sa Bar ngunit sa hindi
inaasahang pangyayari habang ako ay
naghahatid ng inumin sa mesa ay may mga lasing na nag-aaway, naglalakasan na
rin ang kanilang boses pati ang malakas na pangmumura sa isa’t isa. Nagsusuntukan na ang nag-aaway at maya’t maya
ay nagpalabas na ng baril ang isang lasing. Naglalabasan na ang ibang tao sa
Bar at may biglang pumutok. Bigla na akong kinabahan sa mga oras na iyon.
Sinubukan sana ni JV na awatin ang nag-aalitan ngunit sa hindi inaasahan ay
natamaan siya ng baril sa kanang bahagi ng tiyan. Dinala siya sa ospital ngunit
binawian rin siya ng buhay. Lubos akong nanghihinayang sa buhay niya dahil sa
sobrang bait niya. Tinuring ko na rin siyang parang kapatid. Siya ang tumulong
sa akin tuwing walang-wala ako. Dinala na rin siya sa kanyang huling hantungan.
Siguro ay alam ko na kung saan siya tutungo. Isang linggo rin akong hindi
mapakali at malungot dahil sa pagkawala niya.
Madali
ring lumipas ang panahon. Pagkalipas ng limang taon ay masaya ako dahil
nagtatrabaho parin ako sa dati kong tinatrabahoan. Medjo may ipon na naman ako.
“Marco,
bakasyon ka na muna, bibigyan kita ng isang buwan upang maka-uwi ka sa inyong
probinsya para makapagpahinga.” Sabi ng boss ko.
Ang saya-saya ko at makakauwi ako. Miss ko na
rin ang mga kapatid ko pati na rin si Elsa.
Makakabalik na ako sa amin, makakabalik na ako sa lugar kung
saan ako isinilang. Kung saan nakilala ko ang maraming kalaro at kaibigan. Doon
sa amin kung saan itinuro sa akin ni Inay ang mabubuting asal. Doon sa mga
liblib na lugar sa amin kung saan palagi kaming nagtatalo ni Elsa ngunit
kinagabihan ay magkakaayos din dahil parehas na takot umuwing walang kasama.
Doon sa amin kung saan madali ko lang na mabibisita ang mga Tiyo, doon kung
saan ako hinahabol ng mga alaga bibe nila. Totoo pala, hindi mahalaga kung
naipanalo mo ang laban, kung natupad mo ang mga pangarap, o napagtagumpayan mo
ang buhay. Ang mahalaga ay babalik kang masaya, dala mo ang ligayang dulot din
nito sa'yo mula pa noon, walang nagbago, sa puso, isip, at damdamin. Walang
kahit sino o kahit anong bagay na makakapagpabago sa ating pagkatao, desisyon
natin ang bawat hakbang sa ating buhay.
Sinalubong din ako ng mga kapatid ko pati na rin si Elsa.
Malaki na ang pinagbago ng mga kapatid ko ngunit walang pagbabago ang
pagmamahal ko sa kanila. Sobrang namiss ko sila lahat. Nakapagtapos na rin sila
ng pag-aaral.
Napatingin ako kay Elsa, ang ngiti niyang isinalubong sa
akin ay parang nagsasabing walang alinlangan sa kaniyang puso, tulad pa rin
kami ng dati dahil hindi kayang tibagin ng anim na taong pamamalagi ko sa Maynila.
Sa paghawak ko sa kaniyang mga kamay, sinabi ng kaniyang mga mata na wala akong
dapat na sabihin pa. Unang bibisitahin namin ay si Inay upang ipaalam sa kaniya
ang aming mga plano. Pagkatapos ay muli
kaming hihiga sa damuhan, tatakpan niya ang aking bibig dahil palagi kong sinabihi
kung ilang anak ang gusto ko para sa sariling naming Pamilya. Doon, muli kaming
magkukulitan, magtatawanan, at magsasabi ng mga nararamdaman. Muli kaming
hihiga sa damuhan. Darating ang
dapit-hapon, muli naming isisigaw ang aming pag-ibig sa malawak na luntian,
muling tatanawin ang aming mga pinagdaanan habang nakatanaw sa nagpapaalam na
liwanag ng araw.
Pagsusuri sa
Kwentong Damuhan
Panimula:
Bata pa noon si Marco ay naglalaro sila kasama ni Elsa sa
Damuhan sa ilalim ng init ng araw at sa ilalim ng mga ulap. May dalawa siyang
kapatid na si Gina at si Tina at ang kanyang ina ay si Aleng Nena na siya
lamang nagtaguyod sa kanyang pamilya. Dumating ang pasko at dumaan na rin ang
bagong taon. Pumunta na naman sila sa Damuhan kasama ni Elsa upang maayos
siyang magpapaalam. Pumayag rin si Elsa na makipagsapalaran si Marco sa Maynila
at nakahanap din si Marco ng trabaho sa coffee chop.
Saglit na Kasiglahan:
Sa Maynila ay nakatanggap si Marco ng liham galing kay
Gina na nagsasabing pumanaw na ang kanyang ina. Hindi siya makapaniwala sa
nabasa niyang liham. Gusto sana niyang umuwi sa kanila ngunit hindi pwede dahil
may pinermahan siyang kontrata. Wala ang kanyang pag-iisip sa trabaho kaya
natanggal rin siya.
Unang Suliraning
Inihahanap ng Lunas:
Nawalan siya ng trabaho kaya puspusan siyang naghanap
muli ng makapagkakakitaan. Pumunta siya sa may malaking tindahan upang
mag-apply bilang security guard ngunit may nauna nang nakuhang security guard.
Malapit nang maubos ang kanyang naipong pera at wala na rin siyang pambayad sa
tinitirhan niya. Ano kaya ang gagawin
niya? Ang ginawa niya ay nanghiram ng
pera sa kaibigang si JV. Nakapagpadala rin siya ng pera sa kanyang mga kapatid
at nakabayad rin ng tinitirhan.
Pangalawang Suliraning
Inihahanap ng Lunas:
Naghanap na naman
siya ng trabaho ngunit hindi rin nakapagtrabaho. Paubos na rin ang perang
inutang niya kay JV. Ano na kaya ang mangyayari sa buhay niya? Salamat sa
Panginoon na nangangailangan ng karagdagang waiter sa Bar na pinagtatrabahoan
ni JV.
Ikatlong Suliraning
Inihahanap ng Lunas:
Nakapatrabaho na rin si Marco sa Bar. Pagsapit ng
ikatlong linggo niya sa pagtatrabaho ay nakatanggap siya ng liham galing sa
kanyang kapatid na nagsasabing nadengue ang kanyang kapatid. Nangangailangan
sila ng pera para sa pambayad sa ospital at pambili ng gamot. Wala pa siyang
suweldo, ano kaya ang gagawin niya? Ang ginawa niya ay nanghiram na naman ng
pera kay JV. Agad-agad
na inabot ni JV ang pera sa kamay ni Marco. Dali-dali rin itong pinadala sa
kanyang mga kapatid.
Kasukdulan:
Nagtagal rin sa trabaho si Marco. Isang gabi habang siya ay naghahatid ng inumin sa mesa ay may mga
lasing na nag-aaway, naglalakasan ang kanilang boses pati ang malakas na
pangmumura sa isa’t isa. Nagsusuntukan
na ang nag-aaway at maya’t maya ay nagpalabas na ng baril ang isang lasing.
Naglalabasan na ang ibang tao sa Bar at may biglang pumutok. Bigla nalang
kinabahan si Marcos sa oras na iyon. Sinubukan sana ni JV na awatin ang
nag-aalitan ngunit sa hindi inaasahan ay natamaan siya ng baril sa kanang
bahagi ng tiyan. Dinala siya sa ospital ngunit binawian rin siya ng buhay.
Wakas:
Pagkalipas
ng limang taon ay nagtatrabaho parin siya sa Bar na kanyang tinatrabahoan.
Pinabakasyon siya sa kanyang boss ng isang buwan at umuwi siya ng probinsya. Sinalubong
siya sa kanyang mga kapatid pati na rin si Elsa. Masayang-masaya si Maros na
nakita niya muli ang kanyang mahal sa buhay. Napatingin siya kay Elsa at
hinawakan niya ang kamay nito. Muli bumalik sila sa paborito nilang lugar.
Doon, muli silang magkukulitan, magtatawanan, at magsasabi ng mga nararamdaman.
Muli silang hihiga sa damuhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento