Huwebes, Disyembre 15, 2016

Pagsusuri ng Ang Ama

Ang Ama
Ni Mauro R. Avena
I. 
A. Ang Ama ni Mauro R. Avena
B. Panitikang Asyano Modyul ng Mag-aaral sa Filipino 9

II. Buod:
            Nagsimula ang kwento sa magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot sa tuwing uuwing lasing at bugbugin sila. Pananabik dahil paminsan-minsan ay may inuuwi itong malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Sa katunayan ay para lamang iyon sa kanya, sadyang marami lang ito at hindi niya maubos, pagkatapos ay magkagulo sa tira ang mga bata. Kundi sa pakikialaman ng ina ay mabibigyan ng kanya-kanyang parte ang lahat kahit ito’y sansubo lang ng pagkain. Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa.
            Natatandaan pa ng mga bata ang isa o dalawang beses na sinorpresa sila ng ama na nag-uwi ng dalawang supot ng pansit guisado para sa kanilang lahat pero hindi na naulit ito, sa katunaya’y ipinapalagay ng mga bata na mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Kung uuwi itong pasigaw-sigaw at padabog-dabog, tiyak na walang pagkain, at kung minsa’y maingay ang mga bata sa kanyang pag-uwi ay naiinis siya rito na umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas naririnig ng mga bata na humihikbi ang kanilang ina tuwing gabi at kinabukasan ang mga pisngi at mata ay namamaga. Sa ibang gabi, hindi paghikbi ang naririnig ng mga bata mula sa kanilang ina kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos habang malakas na bulalas ng pag-ungol mula sa kanilang ama.
            Kapag uuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, kung may pagkakataon ay ilayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos ay sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa trabaho, ay si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahahabang halinghing at walang ano-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabilang kwarto, kung saan ito ay nanatiling walang kagalaw-galaw. Pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak at ang ama naman ay buong araw na nakaupong nagmumukmok.
            Nang nalaman ito ng kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon din ay nagdesisyong kunin siya muli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Nagbigay rin ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy. Nang makita niya ang dati niyang amo at narinig ang maganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak ay napahagulhul siya. At doon niya napagtanto na hindi na siya kailanman iinum at bibili ng alak at tuluyang magbagong-buhay. Kumuha siya ng pera mula sa abuloy at lumabas ng bahay. Pagkalipas ng isang oras ay bumalik siya na may bitbit na malaking supot na may tsokoleyt, ubas, biskwet at kendi. Inilapag ni iyon sa mesa. At maya-maya’y kinuha ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Pumunta siya sa libingan o puntod ng kanyang anak, lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot at inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, “Pinakamamahal kong anak, walang maiilay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana’y tanggapin mo.”

III. Pagsusuri
A.    Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang maikling kwento sapagkat kakaunti ang tauhan ng akda, may maikling panahon ang sinakop at mababasa sa isang upuan lamang. Ito ay kuwento ng tauhan sapagkat ang layunin nito ay magsalaysay ng mahahalagang pangyayari tungkol sa pangunahing tauhan na ang ama.

B.     Istilo ng Paglalahad
Ang maikling kwentong ito ay gumagamit ng pagsasalaysay at paglalarawan. Isinasalaysay ng maayos ng may-akda ang mga mahahalagang pangyayari sa kwento at inilalarawan ng malinaw ang kilos at galaw ng bawat tauhan lalong-lalo na ang pangunahing tauhan. Tradisyunal din ang paglalahad ng akda dahil may karaniwang panimula at sinundan ng saglit na kasiglahan na kung saan nakakahikayat sa mga mambabasa na magpatuloy sa pagbasa. Dumaan din sa kapana-panabik na sandali at mabilis ang dalos ng mga pangyayari hanggang wakas.

C.     Mga Tayutay
1.      “ipinaglalamay ang wala sa panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman.”
2.      Ito ay pagpapalit-tawag dahil ang ibig sabigin ng dugo at laman ay “anak.”

D.    Sariling Reaksyon
1.      Pananalig Pampanitikan/ Teorya

a.       Realismo- Inilalarawan dito ang buhay sa katunayan at walang halong idealismo. Sapagkat inilalarawan dito ang ilan sa mga katotohanan sa buhay gaya ng pagbugbug ng ama kanyang mga anak at asawa sa tuwing uuwi itong lasing at walang pagkain sa mesa. Gayundin ang pagkasunod-sunod sa gulang ng kanilang mga anak. Totoong mangyayari kapag may namatay ay mayroong kapitbabay na magbibigay ng abuloy.


b.      Romantisismo- Pananalig na higit na pinapahalagahan ay ang damdamin kaysa pag-iisip. Dahil sa wagas na pagmamahal ng ina sa kanyang asawa ay hindi pa rin niya ito hiniwalayan kahit siya’y binugbog o sinaktan, pati ang kanyang mga anak. Nagawa pa rin niyang mag-tiis para maging buo ang kanyang pamilya.
c.       Feminismo- Teoryang nagbibigay-diin sa karanasan, katangian at kakayahan ng kababaihan. Sapagkat inilalarawan sa akda na ang ina ay pantahanan lamang at yaong paggamit sa kanya ng kanyang asawa at karanasang binugbog siya o sinaktan.

2.      Mga Pansin at Puna
a.       Mga Tauhan- Malinaw at maayos ang paglalarawan ng tauhan lalong-lalo na ang ama. Gayundin si Mui Mui sa paglalarawan ng kanyang kalagayan at karanasang pagpapasakit na sinapit mula nang sinaktan siya ng kanyang ama hanggang mamatay. Mapapansin din na ang mga anak ay susod-sunod ang edad. Magandang tularan din ang amo dahil nagbibigay siya ng abuloy na bukal sa kanyang damdamin.

b.      Galaw ng Pangyayari- mabilis ang daloy ng panyayari mula sa pagbugbug ni Mui Mui, pagkamatay at paglibing. Mayroong simula, saglit na kasiglaan, may suliranin at may magandang wakas.

3.      Bisang Pampanitikan
a.       Bisa sa Isip- Natanim sa aking isipan na maaring lasenggo nga ang ama at iresponsable pero tunay na mahal niya ang kanyang mga anak. Dagdag pa na dapat magplano sa pamilya para hindi mahihirapan sa pagpapakain at pagpapalaki sa mga anak.

b.      Bisa sa Damdamin- Naawa ako sa mga pangyayaring pagbugbug ng ama sa kanyang asawa’t mga anak. Nakikisimpatya rin ako sa kanilang pamilya ng tuluyan nang binawian ng buhay sa Mui Mui. Tunay na kaawaan ang kanyang pasakit na dinanas sa buhay sa kabila ng kanyang kalagayan.


c.       Bisa sa Kaasalan- “Habang may buhay may pag-asa”. Bawat tao ay may pag-asang magbago. Naikintal sa aking isipan na gaano pa kasama o ka-iresponsable ang isang tao ay darating din ang araw o takdang pahanon na siya ay magbagong-buhay.


d.      Bisa sa Lipunan- Kung nababasa ito ng mga tao sa lipunan lalong-lalo na ang mga ama o haligi ng tahanan ay mapagtanto nila na kailangang magtrabaho ng maayos para sa ikabubuhay at ikabubuti ng kanyang pamilya. Mapagtanto nilang hindi alak ang unang bibilhin kapag may pera at hindi paglalasing ang unahin. Naway mauunawaan ito ng bawat ama sa buong mundo nang maiwasan ang karahasan at para maiwasan ang maaring masamang kahinatnan.


Ø  SINOY,  JOHN MARK C. 

11 komento: