I.
A. Young Love (First Love) ni
Christianne Conception
II.
Buod:
Nagsimula ang istorya ng komiks nang si
Rolera ay iniwan ni Johnson. Ginawa na niya ang lahat ng kanyang makakaya
ngunit sa kabila ng lahat ay naghiwalay pa rin sila. Una, hindi niya tanggap
ang mga pangyayari at parang masisiraan na siya ng bait. Ninanais na lamang ni
Rolera na magpakamatay. Ngunit pinayuhan siya ng kanyang Papa na siya’y bata
pa. At hindi solusyon ang pagpapakamatay dahil lamang sa kabiguan sa pag-ibig.
Sa kasawian ni Rolera, ay pinagsabihan siya
ng kanyang Papa na idaan na lamang sa kompyuter ang pamimili ng boyfriend at
doon nagkaroon ng pag-asa o ideya si Roleta para makalimutan si Johnson at
makapili ng bagong mamahalin. Kinuha ni Rolera ang listahan ng mga manliligaw
sa kanya, upang malaman ang kasagutan sa pamamagitan ng pagpasok sa kompyuter
ng kanilang pangalan. Nang matapos niyang ipasok sa kompyuter ang mga pangalan
ay nagulat si Rolera dahil si Demetrius Mabini ang pangalang lumabas sa
kompyuter.
Isang araw nang dumalaw si Demetrius kay
Rolera ay labis ang kanyang pagtataka dahil sa magiliw na pakikitungo ni
Rolera. Nalaman naman ng Papa ni Rolera na sinagot na si Demetrius. Una,
nagdadalawang-isip ang kanyang Papa sapagkat wala pang natapos ni Demetrius.
Ngunit pinaliwanag ni Rolera na si Demetrius ang lumabas sa kompyuter.
Makalipas ang dalawang lingo, namuhunan sa
negosyo si Demetrius at tinulungan naman ito ni Rolera. Hanggang lumago ang
kanilang negosyo at lumupas ang ilang buwan ay sinabi ni Rolera sa kanyang Papa
na magpapakasal na sila ni Demetrius. Sinabi ni Rolera ang balitang ito sa
kanyang Papa, pati ang balitang inaasikaso ni Demetrius ang kanilang negosyo at
si Rolera dahil siya’y buntis.
III.
Pagsusuri
A. Uring
Pampanitikan
Ang akda ay
isang komiks sapagkat ginagamitan ang pagkukuwento ng mga larawan upang ang
kwento ay maayos na mailahad o mapalitaw.
B. Istilo
ng Paglalahad
Ang
paraan ng paglalahad ng mga kaisipan o pangyayari sa komiks ay pagsasalaysay.
Isinalaysay ang mga pangyayari sa kwento ng buhay ni Roleta. Mula sa pagkabigo
sa pag-ibig, paglagay ng listahan ng mga manliligaw sa kompyuter, pagdalaw ni
Demetrius sa kanilang bahay, pagsagot niya rito at pamumuhunan ni Demetrius sa
negosyo hanggang lumago ito at nagbalak na magpakasal, ay isinalaysay maliban
na lamang ang kanilang sagutan. Wala ring patumbalik ng mga pangyayari.
C. Mga
Tayutay
1. Walang
tayutay na matagpuan sa akdang sinuri, sapagkat simple lamang ang mga
talasalitaan na ginamit ng may akda. Karaniwang salita ang ginamit at madali
lamang intindihin. Walang simbolismo o nakatagong kahulugan sa akda, walang
idyoma o matalinghagang salita sa akda.
D. Sariling
Reaksyon
1. Pananalig
Pampanitikan / Teorya
a. Realismo-
Inilarawan ditto ang buhay sa katunayan at walang idealism. Sapagkat isa ang
katauhan ni Rolera na nagpapakita ng tunay na dinanas ng isang babae. Buhay ng
isang babaeng nang iniwan o hiniwalayan ng taong minamahal. Inilalalarawan ang
ilan sa katotohanan ng buhay gaya ng kasawian ni Rolera sa pag-ibig at pagpigil
sa isang ama upang hindi magpakamatay ang anak. Bukod pa rito, inilahad ang
pagsisikap ni Demetrius upang matugunan ang pangangailangan ng pamilyang
bubuuin sa hinaharap.
b. Romantisismo-
Teorya o pananalig na ang pinahahalagahan o pinanaig ay ang damdamin kaysa sa
isipan. Kahit na nabigo sa pagmamahal si Rolera ay muli niyang binuksan ang
kanyang puso para sa iba sa katauhan ni Demetrius bilang isang masugid na
manliligaw hanggang siya’y sinagot ni Rolera.
c. Naturalismo-
Pananalig pampanitikan na binibigyang-diin ang kapaligirang sosyal. Ipinapakita
sa akda ang pasakit na dinanas ni Rolera dahil sa kasawian sa pag-ibig at natural
lamang sa isang ama na magbigay ng payo sa anak upang makalimutan ang sakit na
naramdaman nang makamove-on ang anak. Samantala, ang pagsisikap ni Demetrius sa
pamumuhunan sa negosyo ay natural lamang upang mayroong hanapbuhay para
matustusan ang pangangailangan ng inaasam na pamilya.
2. Mga
Pansin at Puna
a. Mga
Tauhan- Ang pangunahing tauhan ay si Rolera, isang babaeng umibig, ginawa ang
lahat upang mahalin ni Johnson ngunit nasaktan lamang siya dahil sa kanilang
hiwalayan. Muli siyang umibig sa katauhan ng masugid na manliligaw na si
Demetrius. Tutol ang Papa ni Rolera kay Demetrius sa simula sapagkat wala itong
trabaho. Ngunit sa huli ay nagsikap si Demetrius, namuhunan sa negosyo at
natanggap ito ng Papa ni Rolera.
b. Galaw
ng Pangyayari- Ang galaw ng pangyayari ay mabilis. Lalong-lalo na sa bahaging
namumuhunan si Demetrius sa negosyo hanggang sila’y magpakasal ni Rolera
hanggang sa pagdadalantao ni Rolera.
3. Bisang
Pampanitikan
a. Bisa
sa Isip- Naikintal sa aking isipan na mabigo ka man sa pag-ibig ay kailangan
mong bumangon muli. Magmove-on, ang sakit ay panandalian lamang at itatak sa
isipan na hindi kailangang magpakamatay dahil lamang sa kabiguan sa pag-ibig.
Kung may taong lalayo, may tao ring dadating sa ating buhay na inilaan para sa
atin ng Poong Maykapal. Yaong taong iintindi sa atin, aalaga, magmamahal at
hindi sasaktan.
b. Bisa
sa Damdamin- Ako’y naawa at naiiyak sa pinagdaanan ni Rolera. Yaong sa panahong
siya’y lugmok dahil sa pagkabigo’t nasaktan sa pag-ibig. Sa panahong balak na
niyang magpakamatay at para na siyang nasisiraan ng loob dahilan sa
paghihiwalay nila ni Johnson.
c. Bisa
sa Kaasalan- mabuti ang pinakitang asal ng Papa ni Roleta sapagkat binigyan
niya ng payo ang anak upang makalimutan ang sakit na nararamdaman. Bilang isang
ama ay hangad nila na magkaroon ng kasiyahan ang kanilang anak. Magkaroon ng
magandang kinabukasan ang anak. Higit na masaya ang ama kapag nakitang masaya
rin ang kanilang anak.
d. Bisa
sa Lipunan- Kung mababasa ito ng mga taong may balak bumukod ng sariling pamilya
ay mapagtanto nilang aayusin muna ang hanaphuhay upang magkaroon ng magandang
kinabukasan ang pamilya. Dapat mayroong pinagkakikitaan. Nararapat sa isang
lalaki siya ang magiging sandigan sa pangangailangan ng pamilya. Higit sa
lahat, sa mga kabataan, huwag agad magpadadala sa maagang pagkakaroon ng
pamilya. Iisipin ang hinaharap at pipili ng tamang taong makasama habang buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento