Huwebes, Disyembre 15, 2016

Pagsusuri ng Pelikulang Caregiver

I.                    
A.    Caregiver – Sa direksyon ni Chito S. Roǹo
B.     Youtube.com/caregiver

II.                Buod:

                  Si Sarah ay isang mahusay na guro sa Pilipinas. Kasabay ng kanyang pagtuturo ay ang pag-aaral ng caregiver. Dahil isa siya sa pinakamahusay na guro ay mapopromot sana siya bilang English head teacher sa kanilang departmento ngunit siya ay nakapagdisesyon na sundan ang kanyang asawa na si Teddy  sa London. Naibenta niya ang kanyang bahay dahil sa pagnanais na makapunta ng London. Naiwan ang kaisa-isa niyang anak sa kanyang ina at lola sa Maynila. Hindi matanggap ni Paolo na siya ay maiwan kung kaya’t siya ay nagrerebelde sa pamamagitan ng pag-alis na hindi humihingi ng pahintulot sa magulang. Siya naman ay pinaliwagan ni Sarah kung bakit niya iiwan at kung magkapera na siya ay kukunin niya ito. Nagkaroon sila ng nasinsinang pag-uusap at pagkatapos ay namasyal silang dalawa.

                  Nang si Sarah ay nakarating sa London ay agad naman siyang sinalubong ni Teddy. Puno nang galak ang pagkikita ng dalawa. Hindi inakala ni Sarah na malaki pala ang inuupahang bahay ng kanyang asawa. Nurse ang hanapbuhay ni Sarah doon kung kaya’t malaki ang sahod. Buong puso naman siyang nagtiwala sa mga sinasabi ng kanyang asawa. Para makuha niya agad ang kanyang anak na si Paolo sa Pilipinas ay nagtatrabaho siya bilang caregiver sa isang orphanage kasama si (Rica Paralejo) na naging kaibigan niya nang siya ay nawili sa tindahan ay nakita niya si Shan (Makisig Morales) na nagnanakaw ng pagkain. Agad niya itong pinagsabihan na “Ang bata pa niyang magnakaw at hindi ito tama”. Binigyan niya ito ng aral, ngunit ay tumakbo. Sa nagdaang araw naging kaibigan niya si Shan at nawala ang pangungulila na kanyang nadama para kay Paolo.

                   Sa kabilang daku, ang tunay na trabaho pala ni Teddy ay isang nurse aid. Habang si Sarah ay naghihirap sa pag-aaruga kay Lily, napamahal na niya ito. Dama ni Sarah kung ano ang hirap ng isang Filipino worker doon. Naranasan niyang murahin at tapunan ng pagkain ng isang matanda. Kahit na gawon ay nalampasan na niya ito. Hanggang sa namatay si Lily ( Ang matandang kanyang inaalagaan) dahil sa pangyayaring iyon ay nasasaktan si Sarah kung kaya’t ninais na niyang magretiro sa trabaho. Hindi natuloy ang naisipan niyang paraan dahil sa nais niyang makuha si Paolo at dahil rin sa hirap ng buhay na kanyang dinaranan. Naging magulo ang buhay ni Sarah nang nalaman niya ang lihim na trabaho ng kanyang asawa. Nakita niya ito nang nadisgrasya si Shan at na ospital. Doon ay nasaksihan niya na si Teddy pala’y isang nurse aid at hindi tunay na nurse. Yaon ang hakbang kung bakit mas malakas ng umiinom at naninigarilyo si Teddy. Minsan na itong pinagsabihan ni Sarah ngunit lalong nagulo ang sitwasyon dahil nawalan na ito ng trabaho. Isang araw, nakilala ni Sarah ang Anak ni Nurse Morgan na si David.

                  Hanggang si G. Morgan na ang matandang inaalagaan ni Sarah. Mainitin ang ulo ni G. Morgan, pinahihirapan niya si Sarag ngunit pinalawakan ng bida ang kanyang pasinsya dahil batid niya ang kahirapang nadarama nito. Umabot rin sa kasukdulan ang pasinsyang kanyang nabitawan hanggang sa napagsabihan niya ito kung ano-ano ang kanyang saloobin maging mga paghihirap na kanyang nadarama haabang wala sa kanyang piling ang anak na si Paolo. Naliwanagan si G. Morgan sa mga sinasabi ni Sarah. Naging malapit na magkaibigan sila kaya dinalani CM si Sarah sa kanilang bahay. Masaya sila sa panahong iyon. Nang dumating ang kapatid na babae ni David ay nagkaroon ng masinsinang pag-uusap ang dalawa. Hindi nagdalawang isip si Sarah na umalis, nagbilin na lang ngsiya  mensahe. Ikinasama ito ni G. Morgan at lalong lumubha ang kanyang kondisyon. Dahilan ito na hinahanap siya ni David at nang silay nagkita ay pinakiusapan niya si Sarah na puntahan ang kanyang Ama.

            Hindi rin sila nagtagal dahil namatay rin si G. Morgan. Habang naglalaro sina Sarah at David sa bakuran ng saranggola nagdudulot ito ng kalungkutan sa buhay ni Sarah. Kaya’t naisipan niya umuwi sa Pilipinsa kasama si Teddy-uuwi dahil wala siyang mukhang maiihahaharap kay paolo. Nagpaiwan nalang siya sa London at nagtrabaho habang umuwi si Teddy kasama ang kanyang kabigoang tinatamasa. Sa katapusan ay natupad ang minimithi ni Sarah. Nakuha niya ang kanyang anak na si Paolo at nadala niya ito sa London. Naging masaya at makabuluhan ang buhay niya kasama ang kanyang anak.

III.             Pagsusuri

A.    Uring Pampanitikan
            Ang akda ay pelikula, kilala din bilang sine at pinilakang tabing, ay isang larangan na sinasakop ang mga gumagalaw na larawan bilang isang anyo ng sining o bilang bahagi ng industriya ng libangan. Isang anyo ito ng sining, at tanyag na anyo ng mga libangan, at negosyo. Nililikha ang pelikula sa pamamagitan ng pagrekord ng "totoong" tao at bagay (kabilang ang inarte na pantasya at mga peke) sa kamera, at/o sa pamamagitan ng kartun.



B.     Istilo ng Paglalahad

            Ang istilo ng paglalahad ay paglalarawan. Inilalarawan ang buhay ni Sarah bilang guro sa Pilipinas hanggang pumunta sa London at nagtatrabaho bilang isang caregiver. Inilalarawan sa pelikula ang katotohanan sa likod ng isang caregiver na nag-ibang bansa upang magtrabaho. Inilalarawan ang gawain ng isang caregiver. Inilalarawan ang buhay ng isang taong nag-ibang bansa para sa pamilya. Tuloy-tuloy ang paglalahad at walang patumbalik.
C.     Tayutay

1.      Walang makikitang tayutay sa pelikula sapagkat ang mga salitang binibitawan ng mga tauhan ay pawang karaniwan lamang. Simple lamang ang mga salitang ginamit sa kanilang talastasan.

D.    Sariling Reaksyon

1.      Pananalalig Pampanitikan/ Teorya

a.       Realismo- Ang pananalig na ito ay naglalarawan sa paraang siyentipiko at hindi namimili ng mga bagay na nadarama at napag-uukulan ng pagmamasid. Inilalarawan nito ang buhay sa katotohanan ay walang halong idealism. Sapagkat ang pelikula ay naglalarawan sa realidad sa buhay ng isang caregiver. Katotohanan ang pinapakita ng isang ina na nagsakripisyong iwan s Pilipinas ang anak upang sa ibang bansa magtrabaho.

b.      Klasisismo- Teoryang pinanaig ang isipan kaysa damdamin. Sapagkat pinanaig ni Sarah ang kanyang desisyon na pumunta sa London sa kabila ng pag-iwan niya ng kanyang anak sa Pilipinas. Sinasakripisyo niya ang kanyang kabuhayan ditto sa Pilipinas upang sa ibang bansa magtrabaho.

c.       Impresyunismo- Ang pananalig pampanitikang inilahad ng manunulat ay batay sa impresyung naikintal o naiwan sa kanyang isipan. Ang mga akdang mabuting suriin sa ganitong pananalig at dapat na maglahad ng mga reaksyon sa mga aktwal na pangyayari sa lipunan at kultura. Naikintal sa isipan ng mga manonood na hindi madali ang nararanasan ng mga taong nag-ibang bansa. Naghirap sila upang maitaguyod sa kahirapan ang kanilang pamilya. Ito ay aktwal na nangyayari sa buhay ng isang caregiver.

d.      Feminismo- Ang teoryang feminism ay isa sa pinakabagong teoryang pampanitikan. Ang pagsilang ng ganitong teorya ay bunga sa paghihimagsik sa kaisipang ang kababaihan ay karaniwang inilalarawan sa simplistiko at nakatakdang paraan. Tulad ni Sarah na inilalarawan ang mga pagbabago sa kanyang pagkatao, ang pagkatuklas tungkol sa kanyang sarili. Magmula sa isang pagiging masunurin at maamong maybahay kay Teddy, at bilang katuwang sa pagsisinop ng kanilang pamilya hanggang sa pagkakaroon ng kapangyarihan, dignidad at pagpapahalaga sa kanyang sarili bilang isang babae, at bilang isang taong may silbi sa kanyang mundong ginagalawan.

e.       Ekspresyunismo- Sa pananalig na ito ay walng pagkabahala ipinahahayag ng manunulat ang kanyang kaisipan at nadarama. Karaniwang ang ideya kapag narinig ang salitang caregiver ay patungkol sa isang yaya, alila, katulong, tsimay o sa pinakamababang antas ay tagahugas nga lamang ng puwit ng pasyente. Ngunit sa pelikulang Caregiver, mabubuksan ang nakapikit at nahihimbing na kaisipan na maling iyon lamang ang papel na ginagampanan ng isang tagapag-alaga. Tulad sa pelikula na nagsisilbing isang repleksyon na sumasalamin sa lahat ng uri ng tungkuling ginagampanan ng libo-libong OFW.

f.       Eksistensyalismo- Sa paniniwalang ito ay inihaharap ng katibayan ang kahalagahan ng personalidad, kapangyarihan at kapasyahan ng tao laban sa katwiran ang binibigyan ng timbang o halaga. Tulad ni Sarah na bumigat ang pagtitimbang sa maraming bagay. Yaong panahon na dumanas ng pagsubok si Teddy hanggang sa dumating sa puntong napagpasiyahan na niya ang bumalik sa Pilipinas. Hinimok niya si Sarah na sumama sa kanya upang umuwi. Dito mahahati ang desisyon ni Sarah. Isang matalinong pagpapasiya kung ano ang nararapat niyang gawin: ang manatili ba sa London kakambal nang matiim na hangaring magtagumpay sa kanyang propesyon sa kabila nang pagkawala ng kanilang relasyon bilang mag-asawa? o ang paglaho ng kanyang mga pangarap kapalit nang pagiging buo ng kanilang pamilya? Sa huli ay nagpaiwan siya sa London at nagtrabaho.

g.      Moralistiko- Sa pananalig na ito, ipinalalagay na may kapangyarihang maglahad ang akda, di lamang ng mga literal na katotohanan kundi ng mga panghabambuhay at unibersal ng katotohanan at mga di mapapawing pagpapahalaga. Higit na pinahahalagahan ang mga aral o leksyong ibibigay ng akda sa mga mambabasa o manonood. Bagama’t ang Caregiver ay nakapagbigay ng bagong pananaw ukol sa kalagayan ng mga kababayan nating Overseas Filipino Worker (OFW) sa London. Bago ang konseptong caregiving at hindi pa ito masyadong natatalakay, sa pelikula man o telebisyon. Naging matapang ang pelikula sa hamong ipakita ang isang aspeto ng pagiging OFW na hindi pa masyadong talamak sa pag-iisip ng mga manonood.

2.      Mga Pansin at Puna

a.       Mga Tauhan- Mahusay ang pagkakaganap ng mga tauhan mula sa mga bidang sina Sharon Cuneta (Sarah), John Estrada (Teddy), John Manalo (Paolo) hanggang sa mga artistang may maliit lamang na papel tulad ni Anita Linda. Natural ang mga linya at tamang-tama ang timpla ng mga eksena. Hindi man ganoon kabigat ang dating sa mga manonood, hindi pa rin maitatangging nadala ng Caregiver ang mga manonood sa isang lugar at buhay na malayo sa ating nalalaman.

b.      Galaw ng Panyayari- Mabilis ang takbo ng istorya o mga pangyayari sa pelikula lalong-lalo na nang si Sarah ay nagtuturo bilang guro sa Pilipinas hanggang nag-ibang bansa upang magtrabaho bilang isang caregiver.

3.      Bisang Pampanitikan

a.       Bisa sa Isip- Ipinakikita ng Caregiver ang napakaraming sakripisyong pinagdaraanan ang mga nakikipagsapalaran sa ibang bansa kapalit ng pangakong higit na magandang buhay. Hindi nga lahat ng umaalis at nangingibang-bayan ay nagiging matagumpay. Hindi lahat ng pangarap ay natutupad at nasasagot ng paga-abroad. Sa katunayan, karamihan sa mga tunay na problema ay hindi nag-uugat sa pera kundi sa kaibuturan ng pagkatao na nananatili saan mang lugar mapunta, kumita man ng malaking halaga.

b.      Bisa sa Damdamin- Ako’y nakikisimpatya kay Sarah nang namatay ay kanyang inaalagaan sa London gayung napamahal na siya rito. Higit sa lahat, madadala ka at maiiyak ang mga manonood sa awa para sa isang ina na kung saan nagsasakripisyo at nagpakahirap upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya.

c.       Bisa sa Kaasalan- Kapuri-puri ang katauhan ni Sarah na naging matapang sa gitna ng maraming pagsubok. Naging masunurin sa asawa si Sarah hanggang sa mamulat sa katotohanang may sarili siyang pag-iisip na dapat ding igalang. Isa rin siyang mapagmahal na ina na pinagsusumikapang ipaliwanag at ipadama sa anak ang kahalagahan ng pagtitiis at pagtupad sa pangako.

d.      Bisa sa Lipunan- Hindi rin matatawaran ang pagbibigay ng pelikula ng dignidad sa isang trabahong madalas ay minamaliit at pinandidirihan: ang pagiging caregiver. Gaano man kaliit o kababa ang isang hanapbuhay, nagiging mataas ito at kapuri-puri kapag binigyang dignidad at halaga mismo ng mga taong nasa trabahong ito. Ang taong nagmamalasakit sa trabaho ay nagmamalasakit sa kapwa. Nakakabahala lamang ang mensahe ng pelikulang walang asenso sa Pilipinas kung kaya’t mas pinipili ng mga Pilipinong magpakababa sa ibang bayan upang guminhawa lamang sa buhay. Dagdag pa, dapat na malaman, unawain at maramdaman ng mga kabataan na ang sariling bayan ang siyang dapat unang paglingkuran.




2 komento: