Huwebes, Disyembre 15, 2016

Pagsusu ng Tula: Isang Punong Kahoy ni Jose Corazon de Jesus


Isang Punongkahoy
Ni: Jose Corazon de Jesus
I.
Kung tatanawin mo sa malayong pook,
Ako'y tila isang nakadipang krus;
Sa napakatagal na pagkakaluhod,
Parang hinahagkan ang paa ng Diyos.
II.
Organong sa loob ng isang simbahan
Ay nananalangin sa kapighatian,
Habang ang kandila ng sariling buhay,
Magdamag na tanod sa aking libingan...
III.
Sa aking paanan ay may isang batis,
Maghapo't magdamag na nagtutumangis;
Sa mga sanga ko ay nangakasabit
Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.
IV.
Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
asa mo ri'y agos ng luhang nunukal;
at tsaka buwang tila nagdarasal,
Ako'y binabati ng ngiting malamlam!
V.
Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy;
Ibon sa sanga ko'y may tabing ng dahon,
Batis sa paa ko'y may luha nang daloy.


VI.
Ngunit tingnan niyo ang aking narating,
Natuyo, namatay sa sariling aliw;
Naging krus ako ng magsuyong laing
At bantay sa hukay sa gitna ng dilim.
VII.
Wala na, ang gabi ay lambong na luksa,
Panakip sa aking namumutlang mukha;
kahoy na nabuwal sa pagkakahiga,
Ni ibon ni tao'y hindi na matuwa!
VIII.
At iyong isipin nang nagdaang araw,
isang kahoy akong malago't malabay;
ngayon ang sanga ko'y krus sa libingan,
dahon ko'y ginawang korona sa hukay.











Isang Punongkahoy
Ni: Jose Corazon de Jesus
            Ang tulang Isang Punongkahoy ni Jose Corazon de Jesus ay naghahalintulad sa kanya sa isang punong kahoy. Ang unang saknong ay naglalarawan sa may akda na nag-iisip. “Kung tatanawin mo sa malayong pook”. Ito’y nangangahulugang ang may akda ay nagsimulang nagguni-guni. Sa kanyang guni-guni ay inilalarawan niya ang kanyang sarili na sumasamba sa Panginoong Diyos.
            Sa pangalawang saknong, inilalarawan niya ang posibling mangyayari kung nasa lamay na siya. Sa una at ikalawang taludtud, ay nangangahulugan na naririnig sa kanyang lamayan ang mga musikang tinutugtug din sa simbahan. Samantalang, sa ikatlo at ikaapat na taludtud ay naglalarawan sa kanyang lamay na ang mga kandila ay inihalintulad sa mga tanod na nag-aabang sa kanyang lamay.
            Sa ikatlong saknong, ang salitang batis ay nangangahulugang luha. “Sa aking paanan ay may isang batis”. Dito ipinapahiwatig na may umiiyak sa kanyang paanan, malamang nalulungkot sa kanyang pagkamatay kaya doon ay may patuloy na umiiyak at umaagos ang luha, at sabi pa na hanggang maghapon at magdamag na walang tigil sa pag-iyak, ang kahulugan. Sa ikatlo at ikaapat na taludtud ay inilalarawan ng may akda ang kanyang kabaong na inihahalintulad sa sanga. Sa kanyang kabaong ay may nakasabit na pangalan ng kanyang pamilya na nagmamahal sa kanya.
            Sa ikaapat na saknong ay nangangahulugan na ang pag-iyak ng mga nagmamahal sa kanya ay totoo. Nalaman niya na may tunay o totoong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya. Kaya nang nalaman niya ito, ay naging masaya siya at tanggap na niya.
            Sa ikalimang saknong ay nangngahulugan na ang kampana ng simbaha ay tumunog bago ialis ang kabaong. Ito’y nagpapatunay na malapit na syang ihatid sa kanyang huling hantungan. At ang mga taong nagmamahal sa kanya ay isa-isang naghahagis ng bulaklak sa kanyang kabaong. At may tao pa rin na patuloy na umiiyak at humagulgol sa paanan ng kanyang kabaong.

            Ibig sabihin sa ikaanim na saknong yaong naihatid na siya sa kanyang huling hantungan at nang matabunan ng lupa ay nawala lahat ang kanyang kaligayahan, nararamdaman ang kalungkutan at nag-iisa sa dilim. Sa puntod na yaon ay wala nang nagbabantay sa kanya.
            Sa ikapitong saknong, ay naalimpungatan na siya sa kanyang pagguni-guni nang napagtanto niya na ang kanyang mga guni-guni ay hindi nakakatuwa.

            Sa huling saknong naman, ay nagmuni-muni siya sa panahon ng kanyang kabataan, inaasahan niya at kanyang inilaan na ang kanyang mga gawa ay maging inspirasyon sa kapwa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento