Huwebes, Disyembre 15, 2016

Mga Tula

Labindalawang Pantig

TADHANA
Ni: John Mark C. Sinoy
I.
Siguro’y tadhanang tayo ay magkita,
Sa mundong milyon-milyon ang nakatira.
Tadhana  sigurong sayo’y napatingin,
Aking napuna katangian mong angkin.
II.
Tadhana rin marahil ang mahalin ka,
Kabila ng pader, nakaharang, sinta.
Ang tadhana nga kung ating iisipin,
Kung paano pinuno ating damdamin.
III.
Ngunit ang tadhana’y tila mailap nga,
Mahilig magbiro, kumitil, sumira!
Pusong umibig, pinilit mong wasakin,
Hindi na mabuo, pilit mang tagpiin.
IV.
Tadhana nga ang siyang sa aki’y nagdikta,
Na ikaw ay huwag pakawalan sinta.
Ngunit  tadhana,  sayo’y pilit umangkin,
Tadhana ring naghihiwalay sa atin.
V.
Kung tadhana ngang ikaw ay makilala,
Sa tadhana’y hindi maniniwala pa!
Kung tadhana ang naghatid sa’yo sa’kin,
Tadhana ring nagsabing ako’y lisanin.



Labing-apat na Pantig

SAMAHAN MO AKO

Ni: John Mark C. Sinoy

I.
Gusto kong tumakas, lisanin ang mundong ito.
Halika na aking mahal, samahan mo ako.
Ating liliparin ang langit at kalawakan,
Samahan mo akong, tuklasin ang walang hanggan.
II.
Aking mahal, ikaw at ako, tayo’y lalayo,
Isang bagong mundo, tayo’y lilikha’t bubuo.
Gagawa tayo ng mundong walang masasaktan,
Isang bagong mundong wala nang mahihirapan.
III.
Punuin natin ang ating mundo ng pagsuyo,
Ating buuin ang mga nawasak na pangako.
Buburahin natin ang sakit ng nakaraan,
Aking mahal, ikaw at ako magpakailanman!
IV.
Sabihin mang hindi ito magkakatotoo,
Ay ayos lamang, basta’t ikaw ang kasama ko.
Kung lahat ng ito’y isang panaginip lamang,
Sa panaginip ko giliw, huwag kang lilisan.
V.
Kaya’t mahal ko, ako ay sana’y samahan mo,
Hawak-kamay nating iwan itong ating mundo.
Upang makadama tayo ng kaligayahan,
Dito sa mundong punung-puno ng kalungkutan.


Labing-anim na Pantig
IKA’Y MINAMAHAL TALAGA
Ni: John Mark C. Sinoy
I.
Teka, sandali, pwede bang ako ay mag-isip muna?
Hindi alam kung ako’y  iiwas o lalapitan ka.
Teka, sandali, pwedeng ako’y hayaang mag-isip pa,
Kung  nararamdama’y  ililihim  o sasabihin na?

II.
Gusto kong sayo’y lumapit ngunit hindi ko magawa,
Gusto kong kausapin ka, ngunit ako’y nahihiya.
Bakit sa tuwing ika’y ninanais na makasama,
Ngunit kapag naririyan ka ay natatahimik na?

III.
Dulot mo sa akin ay parang walang hanggang ligaya.
Ang mukha mo ay tumatagal sa aking alaala.
Tamis ng iyong boses ay kay sarap sa aking tenga,
At iyong ngiti ay kaligayahan ang dala-dala.

IV.
Ako ay umiiwas tumingin kapag kausap ka,
Dahil baka makita mo ang ningning sa aking mukha.
‘Di makatingin, pasulyap sa mata mong magaganda,
At pahilim kong ninanais, ako’y titigan sana.





V.
Ngunit hinding-hindi ko alam kung ako’y iiwas ba?
Natatakot ako na baka ikaw ay mawawala.
Bakit ang pag-ibig ay parang pinaglalaruan ka?
Sa oras na matamis na’y mawawalang parang bula.

VI.
Kaya’t aking giliw, ako ay patawarin na, sinta,
Kung sakaling ako’y lumalayo’t iniiwasan ka.
Huwag ka sana sa aki’y  magtampo at mag-isip pa,
Pagkat teka, sandali, ika’y  minamahal talaga.




















Labinwalong Pantig

IKAW PA RIN KAYA?

Ni: John Mark C. Sinoy

I.
Pagkatapos ngayong gabing ito, aking mahal, ikaw pa ba,
Ang ikaw ay mamahalin magpakailanman, O aking sinta?
Pagkatapos ng isang buwan o taon, ikaw pa rin kaya,
Ang itinitibok nitong aking puso? Hindi pa ba iba?

II.
Pangako kong ika’y mamahalin, ngayon at magpakailanman,
Ngunit puso’y nagsasawa, marunong masaktan.
Ako ngayo’y nagsimulang lumilimot, ako’y lumalaban,
Ngunit ako ri’y napapagod; hanggang kailan pa? Hanggang kailan?

III.
Pagkatapos ngayong gabing ito, giliw, mahal pa ba kita?
Matapos mong agad-agad mawala sa aking alaala.
Dito sa panaginip ko na lamang ikaw ay nakikita,
O giliw, bakit ngayong gabi na ito’y tila naglaho ka?

IV.
Anong hirap mahalin ang isang binibining katulad mo?
Anong hirap isiping sa puso’t damdam mo’y hindi ako?
Anong hirap tiisin ika’y wala na ngayon sa tabi ko?
Anong hirap tanggapin, giliw, hanggang kaibigan lang tayo?



V.
Simula noon hanggang ngayon, umaasa na ikaw pa rin,
Ngunit ikaw pa rin nga ba sa bukas ay aking mamahalin?
Paano kung ang bawat bukas, parang kahapong uutangin?
At ang bawat ngayon ay parang bukas na aking lalabagin?

VI.
Huwag mong isipin at dadamhin na ako ay sumusuko,
Huwag ring isipin na ako ay humihinto sa pagsuyo.
Ngunit giliw, hanggang kailan ako sayo’y makikipaglaro,
Sa walang kasiguruhang iyong pag-ibig na mapagbiro?

VII.
O aking giliw, paano ka pa tuluyan magiging akin,
Kung ang bawat bukas mo’y kayang-kaya mong mag-isang sungkitin?
O aking giliw, paano ka nga ba tuluyang maaangkin,
Kung ang bawat saya at ngiti mo ay hindi ko kayang kunin?

VII.
Kung tayo’y magiging hindi na, sabihin mo sa akin sana,
Upang aking itigil na ang pagtatanong kung ikaw pa ba?
Pipilitin ko na lamang sa iba ay maging maligaya,

Ngunit ang puso ko’y patuloy pa rin sa iyo umaasa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento