Miyerkules, Nobyembre 25, 2015

Repleksyon  “SA MGA KABABAIHANG TAGA-MALOLOS” NI JOSE RIZAL

Ang liham ni Jose Rizal na sinulat noong 1889 ay hindi lamang para sa mga kababaihang taga- Malolos, kundi pati na rin sa iba pang Pilipina. Dahil layunin sa liham na ito na mabatid ng mga kababaihan ang kanilang kahalagahan sa bayan at mga responsibilidad nila sa pamilya.
Una, inilarawan ni Rizal na ang kanyang pagkilala sa mga babaeng Pilipina na mahinhin, kimi, masunurin, tahimik, lubos na natural ang bait, magaganda ang ugali, mapagkumbaba at may malinis na kalooban ngunit karamihan sa mga ito ay sunud-sunuran lamang na nauwi sa bulag na pagsunod at pagsang-ayon sa bulag ding paniniwala at kautusan ng mga kura o prayle na tila mga halamang pinalago sa dilim. Ito ay naipakita sa kaniyang intoduksyon. Ang mga bulaklak na walang bango. Sapagkat karamihan sa mga kababaihan sa Pilipinas ay pawang uto-uto sa mga mas  makakapangyarihan sa kanila.  Tila nagpapaapi sila at hindi lumalaban para sa kanilang karapatan.
Ngunit nang nabalitaan ni Rizal ang nangyari tungkol sa isang grupo ng mga kababaihan ng Malolos na nagpetisyon ukol sa paghingi nila ng permiso upang mabuksan ang isang panggabing paaralan na magtuturo sa kanila ng wikang kastila at mapagtanto ni Rizal na siya ay mali. Parang nagulat si Rizal sa katapangan ng mga kababaihang taga-Malolos sa kabila nang pagtingin niyang ang mga babaeng Pilipina ay hindi ito magagawa. Napahanga si Rizal dito. Dahil noon mahirap talagang ipagpilitan ang sarili sa mga taong may mas mataas na puwesto kaysa sa iyo dahil nga sa mas marami silang kayang gawin laban sa iyo at marami ring nasisilaw sa mga salaping ibinabayad nila sa iba. Kaya para kay Rizal ay puwede itong maging inspirasyon lalong-lalo sa mga kababaihan, dahil nagpapakita ito ng angking katatagan at determinasyon ng mga kababaihang Pilipina. Naging kapansin-pansin ang pangyayaring ito sapagkat ang pagpupursige ng mga kababaihan ay dapat na magsilbing ehemplo at inspirasyon hindi lamang sa mga kababaihan kundi sa buong bayan na rin. Sa pagkakataong ito ay nakilala rin ang mga babaeng taga-Malolos bilang simbolo ng katapangan at magandang halimbawa sa mga kababaihan.
Sa pangatlong talata ng liham, sinabi ni Rizal na ang ginawa ng mga kababaihan ay unang hakbang sa pagsulong sa kapakanan ng bayan upang maimulat ang mga mata sa katotohanan. Sinabi rin ni Rizal na hindi na kinakailangang iyuko ng mga Pilipina ang kanilang mga ulo sa kahihiyan o patuloy na palakihin ang kanilang mga anak sa kasinungalingan na dapat  mabatid na hindi magkapareho ang ninanais ng Diyos at ng mga prayle. Nabanggit nang ilang beses ang paniniwala sa Diyos dito sa liham. Sapagkat salungat ito sa gawain ng mga prayle. Mas naniniwala si Rizal sa pananalig at pagtitiwala sa Diyos at hindi sa kung saan-saang bato, rebulto o rosaryo na ginagamit lamang ng simbahan para pagkakakitaan. Ayon kay Rizal, ang utos ng Diyos ay iba sa utos ng pari. Ang tunay na pananampalataya sa Diyos o kabanalan ay hindi lamang nauukol sa matagal na pagluhod, hindi sa mahabang pagdadasal, hindi sa paghalik ng kamay ng mga Prayle hindi sa pagkakaroon ng mga rosaryo, nobena at bibliya kundi mabuting asal, paninindigan magandang ugali o malinis na loob at may matuwid na pag iisip .
Binanggit din ni Rizal sa sanaysay na kung ang mga prayle nga ang representane ng Diyos, bakit hindi sila tumulong sa kapwa? Bakit imbes na gamitin ang pera ng simbahan sa pagpapakain ng mahihirap, ginagasta lamang nila ito sa pagbili ng mga mamahaling dekorasyon sa altar ng simbahan? Pati na rin ang pag-ubos ng mga salapi sa simbahan na sa halip ay para tumulong sa mahihirap at pagpapakain sa mga gutom. Dinagdag din ni Rizal hindi dapat humalik sa kamay ng mga Prayle dahil si Kristo nga ay hindi nagpapahalik kailanman. Binanggit din na hindi na  kailangan ng mga kalmen, kuwentas, correa at hindi na kailangang hingan ng pamesa at hindi dapat magbayad sa panalangin dahil si John nga ay hindi nanghingi ng kahit anong kapalit sa kanyang pagbibinyag sa ilog ng Jordan.
Binigyang diin ni Rizal ang tungkulin ng kababaihan bilang dalaga at asawa sa pagbangon ng kanilang dignidad at halaga sa lipunan bilang ang mga babae ay nagpapalaki sa  ng mga Pilipino. Kinukwestiyon din ni Rizal kung anong uri ng mamamayan na mabubuo kung ang ina na nagpalaki ay mangmang o walang ibang alam kundi magdasal at mag-nobena lamang. Hindi niya sinabi ito bilang pagmamaliit sa kapasidad ng mga kababaihan kundi sa sobrang masunurin ng mga Pilipina ay naging dahilan ito kung bakit madali silang minapula ng simbahan. Kaugnay rin nito, ang isa sa mga pinakamalaking papel nang kababaihan sa isang bansa ay maging ina sa pamilya. Sila ang humuhubog sa kapalaran ng kanilang mga anak. Ang ugali ng kanyang anak ay dumedepende sa kanyang pagpapalaki at pagturo sa kanila. Kapag naging napaka-mahigpit nito, malaki ang posibilidad na magrebelde ang kanyang mga supling paglaki. Kapag naman napasobra sa kabaitan ang mga ito, maari silang umabuso. Nasa ina kung paano niya ito gagampanan nang maayos.
Ikinumpara din ni Rizal ang mga babaeng tagalong sa mga taga-Esparta. Dahil nakatuon ang pagmamahal at buong atensyon sa bansa ngunit ang mga babaeng Pilipina ay nakatuon sa pamilya. Kaugnay nito, inilalarawan ni Rizal ang katangian ng mga kababaihan sa Europa at bilang halimbawa nito ay nagpapakita ang babaeng Sparta bilang huwaran ng pagiging mabuting ina. Maski ang sarili nilang anak ay handa nilang isakripisyo para lamang sa ikabubuti ng bansa. Mas masaya ang mga kababaihang taga-Esparta kung ang kanilang anak ay hindi na maka-uwi dahil namatay sa digmaan ngunit nanalo kaysa umuuwing buhay na natalo. Kaya, ipinapayo ni Rizal sa mga Pilipina na gamitin ang halimbawang ito upang maitaguyod ang isang anak na marangal at magtanggol sa bayan.
Narito ang pitong bagay na binigyang linaw ni Rizal upang dapat siyang paniwalaan:
Una, kapag nagpabaya ang isang tao at duwag siya, magaganap na may mga taong magtaksil. Dahil sa kamang-mangan at may mabuting kalooban maari itong aabusuhin.
Pangalawa, kung ang isang tao ay nagpapakita ng kulang sa pagmamahal sa sarili, may ilang tao na aalipustahin o aabusuhin ka. Dapat magpakita ng lakas ng loob o katapangan upang walang sinuman ang mang-alipusta.
Pangatlo, ang pagiging ignorante at kamang-mangan ang siyang nagdudulot ng pagka-alipin. Kung paano mag-isip ang isang tao ay ganito rin ito. Ang isang taong hindi marunong mag-isip para sa kanyang sarili at pumayag na sumusunod na lamang sa iba ay parang hayop  na kinokontrol lamang ng tali na walang kalayaan.
Pang-apat, ang taong nagmamahal sa kalayaan, ay dapat munang tumulong sa kanyang kapwa. Sapagkat pababayaan ka nila kung pababayaan mo sila. Tulad na lamang ng mga walis tingting na kapag nawala ang tali ay naging magkahiwalay  Madaling baliin ang isang tingting pero mahirap baliin ang isang bigkis na walis. Kaya dapat magtulong-tulongan.
Ikalima, kung hindi babaguhin ng mga Pilipina ang kanyang pagkatao, dapat tumigil na ito sa pagpapalaki ng anak. Sapat na ang manganak ito pero hindi na dapat ito magsilbing ilaw ng tahanan at humubog ng mga anak sapagkat ipinagkakanulo nila nang hindi nalalaman ang kanilang mga asawa, anak at ang bayan.
Ikaanim, lahat ng tao ay ipinanganak ng pantay-pantay. Hindi lumikha ang Diyos ng nilalang na magiging alipin o hindi tayo binigyan ng katalinuhan upang magpaloko lamang. Hindi masama ang humanga sa kapwa at dapat ay higit na paunlarin ang kamalayan at katalinuhan. Nagiging masama lamang ito kung nagpapanggap bilang Diyos at ginagamit ang kapangyarihanng iyon sa pang-aalipin ng ibang tao upang sumunod ito sa mga gusto nila na hindi naman tama at makatarungan.
Ikapito, dapat pag-isipang mabuti kung anong uri ng relihiyon ang tinuturo nila. Maingat na surrin kung ang nais ba ng Diyos ay ang mga ipinapagawa nila pati na rin ang kanilang mga itinuturo? Sinabi rin ni Rizal na hindi basta-basta magtiwala sa mga sermon na lumalabas sa bibig ng mga Prayle na nagdiyos-diyosan. Dahil mapapansin na tinalakay niya na mali ang pagsunod sa tuntunin ng simbahan.
Bahagi rin ng liham ang pagpapaalala ni Rizal sa lahat na matutong tingnan at alamin ng mabuti ang lahat ng mga bagay kung ito ba ay tama o mali. Bukod sa totoong relihiyon, nabanggit din niya na mahalaga ding matutunan ng mga bata ang pagkakaroon ng mabuting karangalan, pagiging matapat, respeto at pagmamahal sa mga kababayan, at paggalang sa Diyos.

Isinulat ni Rizal ang liham upang ipakita ang kanyang paghanga sa katangi-tanging ginawa ng mga kababaihan ng Malolos. Isinulat niya din ito dahil sa mungkahi ni Marcelo H. del Pilar upang pasiglahin ang mga nanlalamig o natutulog na damdamin ng mga Pilipina para sa ikakagaling at ikakatamo ng kaginhawanaan at kalayaan ng mga Pilipino.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento