Huwebes, Nobyembre 26, 2015

“ANG TUNAY NA SAMPUNG UTOS”
NI APOLINARIO MABINI

1. Sa unang utos ni Apolinario Mabini sa kanyang sanaysay na pinamagatang “Ang tunay na Sampung Utos” ay nagsasabi na dapat ibigin natin ang Diyos higit ninuman. Dapat din na mahalin ang Diyos ng buong puso. Kailangan na pahalagahan din ang sarili sa ano mang bagay sa mundo. Halimbawa, kapag ang isang tao ay may ginagawang masama dito sa mundo, wala mang ibang taong nakakaalam dito, ang Panginoon lamang ang tanging nakakabatid sa ginawa mo. Sapagkat ang Panginoon lamang ang siyang nakakaalam sa lahat ng nangyayari sa sanlibutan at higit sa lahat ang katotohanan. Kung kabutihan ang ginagawa mo dito sa mundong ibabaw, ay ito lamang ang tanging paraan na nagpapakita na malinis ang iyong kalooban. Dapat ang bawat isa ay maging matapat, mabait at masipag nang sa ganun ang buhay ay maging matiwasay at maginhawa.

2.  Sa pangalawang niyang  utos isinasaad niya dito na sambahin natin ang Diyos na walang pag-aalinlangan, kusang loob na pagsilbihan at mahalin ng buong puso. Sa mga panahon o oras na gumagawa ka ng masama, halimbawa, kapag pumapatay, nagnanakaw o iba pang mga masasamang gawain ay ang dahilan upang mailayo ka sa panginoon at maaaring magpahamak sa buhay mo. At sa mga mabubuti mo namang gawain gaya ng pagtulong sa mga mahihirap, pagbibigay halaga at pagmamahal sa kapwa mo ay paraan para mapasaya mo ang kalooban ng panginoon.

3. Sa ikatatlong utos, huwag mong sayangin sa walang kabuluhang gawain ang mga magagandang katangian o talento na ipinagkaloob sa atin ng panginoon. Halimbawa, isang talento sa pagkanta, sa halip na gamitin para lang sa kapakanan mo o pagkakakitaan lamang, gamitin mo ito para makatulong sayong pamilya o pagkanta sa simbahan para sambahin ang panginoon. Sa ganitong pangyayari mararanasan mo ang kapayapaan at kadalisayan ng ating buhay. Sa malinis mong hangarin, pagkatao at mabubuting pag-uugali, napapasaya mo ang Panginoon.

4.  Sa pang-apat na utos, mababatid natin na hindi lamang ang Diyos ang ating iibigin, dapat kasunod nating mamahalin ay ang ating bayan. Mahalin natin ang ating bayang kinagisnan, gaya ng pagmamahal natin sa Diyos at pagpapahalaga sa ating sarili. Halimbawa, ang pagtulong sa kapwa at pag-aalaga sa kalikasan ay ilan sa paraan upang maipakita natin ang pagmamahal sa ating bayan. Sapagkat ang ating tinubuang bayan lamang ang tanging biyaya o kaloob ng Diyos sa atin. Ito’y naipamana sa atin ng ating mga ninuno na dapat nating ipagtangol, ipaglaban at dapat ipagmalaki tungo sa magandang kinabukasan. Itong ating bayan o lupang kinagisnan ay nagpapadama sa atin may tunay na kalayaan, magagawa natin ang gusto nating gawin, nagpapadama na may pag-asa at totoong ligaya.

5. Ang ikalimang utos ni Apolinario Mabini ay nangangahulugan ng pagsisikap para ipagtanggol ang ating bayan. Halimbawa, sa panahon ngayon, marami ang problema sa ating bayan, gaya ng korapsiyon o pagkamkam ng pera sa ating bayan, mababang edukasyon at maagang pagbubuntis ng mga kabataan. Ilan lamang ito sa problema ng ating bayan, upang maiwasan ang ganitong problema, dapat maki- alam tayo kung ano na ang nangyayaring katiwalian sa gobyerno, dapat may alam din ang bawat kabataan upang maiwasan ang pagbubuntis ng maaga. Sa pagtatangol ng ating bayan sa panahon ngayon, ngayo’y malapit na ang eleksiyon, dapat piliin ang mga kandidato na may pusong tumulong sa kapwa, gagawin ang lahat para sa ikagaganda at ikauunlad ng ating ekonomiya. Dapat ipagtanggol muna niya ang bayan bago ang sarili. Dapat may hangarin siya na mabatid ang dating kaginhawaan sa ating bayan. Dapat magkaisa ang lahat para sa ikababago ng ating bayan, nawa’y bayang walang problema na kaligayahan ang ating maasam. Dahil kapag masaya o malaya ang ating bayan. Nakakasiguro na ang lahat ng taong nakatira dito ay masaya rin at may kalayaan sa buhay.

 6. Sa ikaanim na utos, ipinahihiwatig ni Mabini na pagsumikapan nating maabot ang minimithi at kaligayahan ng ating bayang kinagisnan. Dahil nakasalalay sa mga taong nakatira dito ang tagumpay na pinapangarap. Halimbawa, upang maabot ang kaligayahan sa ating bayan ay dapat lahat ng Pilipino ay magtulong-tulongan, kapit-bisig, ika nga nila. Ang ating mga ninuno ay isa ring halimbawa na nagpapakita ng pagtulong-tulongan upang makamit natin ngayon ang ating inaasam-asam na kapayapaan. Ang kaligayahan o kapayapaan ng ating bayan ay siyang nagbibigay sa atin ng kalayaan. Kung mayroon kamang magagawa para sa ikabubuti ng iyong lupang tinubuan ay dapat na gawin mo ito nang abot sa iyong makakaya. Hindi na kailangang iasa sa iba ang katahimikang iyong inaasam-asam para sa iyong minamahal na bayan. Kung may magagawa ka? Gawin mo na! Ngayon na!

 7.   Dito sa ikapitong utos ni Mabini, klarong-klaro na ipinapahayag niya na dapat huwag isipin na makapangyarihan ang mga taong may mataas na posisyon sa lipunan. Halimbawa, nito ay ang mga taong nasa pulitika, mataas man ang kanilang posisyon sa lipunan, hindi natin isa-isip na makapangyarihan sila sapagkat hindi natin alam na may masama silang hangarin, siguradong iyon ay ang pagnanakaw sa pera ng bayan.  Lagi nating tandaan na sa mata ng Panginoon ay pantay-pantay tayong lahat. Ang ating Panginoon lamang ang higit o mas makapangyarihan sa lahat. Hindi man niya naipapakita ng diretso o aktuwal ang kanyang pagtulong sa mga tao, pinaparamdam niya ito sa pamamagitan ng mga taong may mabubuting ugali at hangarin.

8.   Maliwanag na ipinararating ni Mabini dito sa ikawalong utos na pagsumikapang makapagtatag ng Republika sa ating bayan. Sapagkat ang mga naninirahan dito ay malaya. Hindi iyong isang kaharian na may hari o reyna, malaki ang posibilidad na ang kanilang anak ang magmana. Ang kahariang Monarkiya ang tinutukoy ni Mabini ditto, na dapat hindi itatag sa ating bayan sapagkat sila lamang ang may kapangyarihan, may kayang gumawa sa kung ano-anong gusto nilang gawin. Kaya iginiit ni Mabini na dapat isang Republika ang matatag sa ating bayan. Dahil sa Republikang bansa, ang mga naninirahan dito ay may kalayaan. Walang nagkokontrol sa mga tao sa demokrasyang bansa. Huwag nating hayaan na magkaroon ng isang kayarian ang ating bayan upang walang sinuman ang magkokontrol sa atin at walang mapagmataas, para ang lahat ay pantay-pantay sa paningin ng lahat.

9.      Sa ikasiyam na utos ni Mabini, ang pagmamahalan ang kanyang gustong ipahihiwatig. Pagmamahal hindi lamang sa sarili kundi pagmamahal rin sa kapwa.  Halimbawa, maipadama natin ang pagmamahal sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagtulong at pagmamalasakit sa ibang tao. Hindi na kailangan kung gaano ito kalaki o karami, ang mahalaga ay kusang tumulong at higit sa lahat tumulong sa ibang tao na galing sa puso. Walang pag-alinlangan sa pagtulong sa iba. Ngunit kung hindi ito sundin o kung hindi tumulong ang isang tao sa kanyang kapwa, malamang inuuna niya lamang ang kanyang sarili. Sila ay iyong mga taong makasarili.

10.   Ang pang sampung utos ni Mabini ay naglalayong pagpapahalaga sa kababayan. Halimbawa, kahit hindi mo man kakilala ang isang tao sapagkat kababayan mo ito, dapat hindi magdadalawang isip na kaibiganin siya. Gawin mo siyang isang tunay na kaibigan o kaya’y kapatid na maging kasangga mo sa hirap at sa ginhawa o kaya’y kasama mo sa lungkot at ligaya.
           
            Pagmamahal ang siyang dahilan upang ang bawat isa ay magiging masaya. Pagmamahal sa Panginoon, sa bayan, sa sarili, sa magulang, sa mga kapatid, sa mga miyembro ng pamilya, sa taong nagpapatibok sa iyong puso, sa mga kapit-bahay at sa lahat.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento